Marcos, Maaaring Tumanggap ng Cabinet post Kahit Hindi Iurong ang Electoral Protest Laban Kay Robredo

Larawan mula sa ABS-CBN News via Facebook pageLarawan mula sa ABS-CBN News via Facebook page

Maaaring tumanggap ng posisyon sa administrasyong Duterte si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kahit hindi nito iurong ang electoral protest laban kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo.

Ito ang tiniyak ni Atty. Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ni Marcos, sa isang media forum sa Quezon City, nitong Sabado.

Hinalimbawa ni Rodriguez ang sitwasyon noon sa protesta ng namayapang si senador Miriam Defensor Santiago laban kay dating pangulo Fidel V. Ramos noong 1996 election sa pagkapangulo.

Paliwanag ni Rodriguez: “Ang sinasabi ng Korte Suprema doon ay applicable lamang kapag ikaw ay muling kumandidato, nag-file ka ng certificate of candidacy, nanalo ka at nag-assume ka ng posisyon. Pero hindi po kapag ikaw ay in-appoint.” 

Wala namang iniaalok na posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kay Marcos, paglilinaw ni Rodriguez.

Ani Rodriguez, nakatutuwa lamang isipin na sa bawat oras na mayroong forthcoming appointment o perceived vacancy ay si Marcos ang unang naiisip. Dagdag pa niya, ibig lang nito sabihin na si Marcos ay qualified at competent sa kahit na anong posisyon na ibibigay ni Duterte.

Kaugnay nito ng unang sinabi ng kampo ni Robredo na sa sandaling tumanggap ng posisyon si Marcos sa administrasyong Duterte ay dapat nitong iurong ang protesta, saad sa ulat ng Unang Balita.

Paliwanag ni Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, qualified si Marcos na tumanggap sa anumang posisyon subalit mayroong risk na ma-dismiss ang kanyang protesta sa sandaling tumanggap ito ng posisyon.

Paliwanag ni Macalintal: “Kasi paano niya maasikaso ‘yung kaniyang protesta kung meron siyang ibang posisyon?”

Kung pagbabatayan ang sitwasyon noon ni dating senador Mar Roxas laban kay dating pangalawang pangulo Jejomar Binay, natalo si Roxas sa kanyang protesta bilang pangalawang pangulo noong 2010 nang tanggapin nito ang posisyon bilang kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at nang ito ay naging kalihim Department of Interior and Local Government (DILG).

Source :

GMA, Facebook