Mga aplikanteng nais magtrabaho sa gobyerno, appointees ng Pangulo dapat dumaan sa drug test – CSC

Image capture of video by GMA News

Naglabas ng mga alituntunin ang Civil Service Commission (CSC) na nag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na dapat umanong magpa-drug test ang mga aplikante bago sila tanggapin sa trabaho. Layunin ng mga nasabing alituntunin na masigurong malinis at walang adik sa ilegal na droga sa burukrasya.

Maging ang mga appointees ng Pangulo para sa iba’t-ibang posisyon sa pamahalaan ay oobligahin din umanong magpa-drug test.

Ayon sa ulat ng Abante, ang nasabing guidelines na nakapaloob sa CSC Resolution number 1700653 na ipinasa noon pang ika-15 ng Marso ng taong kasalukuyan ay inilabas lang sa media noong Miyerkules, ika-19 ng Abril.

Ipinahayag ni CSC chairperson Alicia dela Rosa-Bala na ang mga magpopositibo sa paggamit ng ilegal na droga ay hindi maaaring tanggapin sa trabaho o ma-aapoint sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Nilinaw ni Dela Rosa-Bala na hindi sakop ng kautusan ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines dahil mayroon umano silang sariling panuntunan sa nasabing bagay.