Mga mangingisdang Pinoy, muli na namang itinaboy ng Chinese Coast Guard sa Spratlys?

Image capture of video by GMA News

Bineberipika ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang katotohanan sa napaulat na diumano’y panghaharass ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino mula sa Mariveles, Bataan.

Ayon sa GMA, sinabi umano ng crew ng fishing boat mula sa Bataan na hinabol at pinaikutan ng Chinese Coast Guard ang kanilang bangka sa Union Reef sa Spratly Islands. Pinaputukan pa umano sila ng mga intsik, pero pataas naman umano ang pagpapaputok at walang intensiyon na sila ay patamaan.

Kuwento ng mga mangingisda, may napansin din silang bagong istraktura na itinayo ang China doon. Noong nakaraang taon ay wala pa raw ang nasabing gusali.

Kasunod ng nasabing insidente, nanawagan si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na dapat raw na umaksyon ang Pilipinas at igiit ang karapatan sa West Philippine Sea dahil kung hindi ay patuloy raw tayong aabusuhin ng ibang bansa, partikular na ng China, at tuluyan nang mawalan ng respeto sa ating bayan.

Aniya, dapat maghain ng diplomatic protest ang DFA at hingan ng paliwanag ang China hinggil sa ginawang pambu-bully sa mga mangingisda.