Mga pulis-Bohol na tumulong kay Supt. Nobleza na makahanap ng matutuluyan sa Bohol, nagpaliwanag

Image from Sun Star

Sa gitna ng mga alegasyon na may mga pulis pa na posibleng kasabwat ni Superintendent Maria Christina Nobleza sa tangkang pagliligtas sa mga Abu Sayyaf na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Bohol, ilang pulis ang lumantad upang magpaliwanag sa ibinigay nilang tulong kay Nobleza.

Sa isang panayam sa radio DZMM ng ABS-CBN, sinabi ng tagapagsalita ng Philippine National Police na si Chief Supt. Dionardo Carlos na ipinaliwanag na raw ng Bohol Tourist Police Unit, ang sinasabing mga “kasabwat” ni Supt. Nobleza, na tumulong lang sila sa policewoman sa paghahanap ng matutuluyan nito sa Bohol.

“They came out and they said that they were only requested to assist sa pagkuha ng billeting area. Sinabi na po nila ang kanilang ginawa,” ani Carlos.

Normal para sa kanila na magbigay ng ayuda sa isang senior police officer tulad ni Nobleza, paliwanag raw ng Bohol Tourist police Unit.

“Kapag ganyan po nagre-request na mayroon ba silang alam na malapit na pwedeng tirahan, may assistance pong ibinibigay. Alam po nila na senior officer si Superintendent Nobleza, inasistehan po ng ating tourist police,” sabi pa ni Carlos.

Si Supt. Nobleza at Reenor Lou Dongon, isang miyembro ng Abu Sayyaf na diumano ay kasintahan ng policewoman, ay naaresto sa Bohol matapos hindi huminto sa isang checkpoint doon. Napag-alaman na balak nilang iligtas ang isang Abu Sayyaf member sa bayan ng Clarin sa Bohol.