Mga vigilante hinamon ni PNP Chief De la Rosa ng duwelo sa baril

Image from Eagle NewsImage from Eagle News

Hinamon ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald De la Rosa sa isang duwelo sa baril ang mga vigilante na diumano ay siyang pumapatay sa mga drug suspects nang walang kalaban-laban.

Ayon sa Inquirer, hinamon ng PNP Chief na lumantad ang mga vigilante para siya ang harapin at hindi iyong mga taong nakatali at tsaka babarilin sa ulo.

Aniya, hindi niya pinapayagan ang extrajudicial killings. Galit umano siya sa ganoong uri ng patayan.

“Hinahamon ko sila. Kung mahusay silang bumaril at pumatay, ako ang harapin nila. Subukan ninyong makipagbarilan sa akin,” anang PNP chief.

Samantala, isiniwalat ni De la Rosa na nagsagawa sila ng kaunting adjustment sa taktika nila sa paglaban kontra sa ilegal na droga upang lalong maging epektibo ang kampanya.

Ani De la Rosa, ginawa umano nila ang adjustment dahil sa mga nakita nilang butas at kakulangan sa naunang “Oplan Double Barrel Project Tokhang.”