Mocha Uson, Binatikos ng Isang Babaeng Muslim sa Pagsuot ng “Islamic Veil”; Blogger, tumugon

Imahe mula sa Twitter

Kumakalat ngayon sa social media ang pambabatikos ng isang babaeng netizen na Muslim sa kontrobersyal na dancer-turned-blogger na si Mocha Uson matapos nitong magsuot ng sagradong “Islamic veil.”

Sa larawang ipinost ng babaeng Muslim sa kanyang Twitter account, makikitang nakasuot ng itim na Islamic veil si Uson.

Bakas din sa post ni @jameelah3sh ang galit sa kanyang pahayag:

“What you are wearing is a sacred for us; learning abt u [about you], you’re a famous fake news n **** star etc in Philippines; you”re not worth to wear it.”

Ang tradisyunal at sagradong kasuotang-Islamic na isinuot ni Uson ay tinatawag na jilbāb at hijab.

Si Mocha Uson o Margaux Justiniano Uson sa tunay na ngalan ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang opisyal na social media consultant at board member ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB. Siya ay dating lead vocalist ng all-girl dance group na Mocha Girls na nagtatanghal sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Naging matunog at kontrobersyal ang kanyang pangalan simula nang mag-post siya ng mga komentaryo hinggil sa kanyang hayagang pagsuporta sa pagtakbo bilang pangulo ni Digong. Binanatan din niya sa kanyang mga blog ang naglalakihang media network at mga sikat na personalidad na tumutuligsa sa kandidatura ni Duterte.

Noong Martes, Abril 11, 2017, kinumpirma ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na kabilang si Uson sa opisyal na delegasyon ni Pangulong Duterte sa pagbisita nito sa Middle East.

Pinagdiinan ni Abella na ang tungkulin ni Uson sa naturang Middle East visit ay bilang “blogger.”

“She has a large following among the overseas Filipino communities, especially in the Middle East, and it is in their interest that she has come to help boost morale and well-being,” turan ni Abella.

Ayon pa rin kay Abella, ang pagsama nila kay Uson ay tugon sa kagustuhan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s).

“They wanted to have fellowship with her. So it’s just a question of basic fellowship and encouragement,” dagdag ni Abella.

Samantala, makikita rin ang tugon ni Uson sa Tweet ni Jameelah.