“Most Notorious” Abu Sayaff Kidnapper, Patay sa Isinagawang Military Operation

Public Domain

Patay ang isang itinuturing na “most notorious” kidnapper na sub-leader  ng mga bandidong grupong Abu Sayyaf  sa isang military operation; ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Eduardo Año nitong Abril 29.

Ayon kay Año, si Alhabsy Misaya ay napaslang sa isinagawang military operation sa kagubatan sa pagitan ng Indanan at Parang sa Sulu province nitong Abril 28. Aniya, ang katawan ni Misaya ay kinilala ng mga opisyal ng militar at ng mga nahuling miyembro ng ASG.

We consider him the most notorious kidnapper from that bandit group and this is a big setback to the Abu Sayyaf,” ani Año.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, wala namang naiulat na nasawi at sugatan sa panig ng militar sa naturang engkwentro.

Si Misaya ay sangkot diumano sa pag-atake noong 2002 sa southern town ng Malagutay kung saan isang US serviceman ang namatay at 23 ang sugatan.

Nagbigay ng pabuya ang US Department of Defense ng  $15,000 sa ikadarakip ni Misaya.

Si Misaya ay sinasabing sangkot din sa pagdukot sa isang Japanese-American treasure hunter na si Katayam Mamaito sa Pangutaran, Sulu noong 2010.

Kamakailan ay iniugnay din si Misaya sa pagdukot sa mga Vietnamese sailors sa Basilan nitong Nobyembre, 2016.