Mosyon ng DOJ na Pag-isahin ang 3 Kaso ni De Lima, Pinawalang-saysay ng Korte

File photoFile photo

Pinawalang-saysay ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 Judge Juanita Guerrero ang mosyon ng Department of Justice (DOJ) na pag-isahin ang tatlong kaso na isinampa kay Senador Leila De Lima hinggil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga, nitong Biyernes.

Ani Judge Guerrero, walang merit ang mosyon ng DOJ. Dagdag pa niya, ito ay tatlong magkakaiba na reklamo at magreresulta lamang sa mas mahabang paglilitis.

Noong Pebrero, pinangatwiranan ng DOJ na magiging madali ang paghahain ng mga ebidensya laban kay De Lima kung ito ay pag-iisahin na lamang, saad sa ulat ng Abante Tonite.

Nais din ng DOJ na si Judge Guerrero, na una nang nag-issue ng warrant of arrest kay De Lima, ang humawak ng consolidated case.

Ayon kay Atty. Ronnie Tacurdon, abogado ni De Lima, na noong Marso 30, 2017 pa ibinaba ang desisyon ni Guerrero, subalit ngayon lang nila ito nakuha.

Nagbigay naman si Branch 205 Judge Amelia-Fabros-Corpuz sa defense panel ng sampung araw upang maghain ng additional pleading hinggil sa naunang inihain na motion to quash.

Sa Hunyo 30, 2017, 8:30 ng umaga nakatakda ang pagdinig ni Judge Corpuz.

Hawak ni Judge Guerrero ang criminal case no. 17-165 ni De Lima, kung saan kapwa akusado sina Ronnie Dayan at Rafael Ragos, dating Bureau of Corrections (BuCor) ­officer-in-charge at National Bureau of Investigation Deputy Director; na kay Judge Corpuz ang criminal case no. 17-166 kung saan kapwa akusado si De Lima at ang kanyang pamangkin na si Jose Adrian ‘JAD’ Dera; at pangangasiwaan ni Branch 206 Judge Patria Manalastas-De Leon ang criminal case no 17-167 kung saan akusado sina De Lima, Franklin Jesus Bucayu, dating BuCor Chief; Wilfredo Elli, umano’y bagman; Joenel Sanchez, dating aide at si Jaybee Sebastian na isang high profile inmate.

Samantala, naniniwala si De Lima na lalabas ang katotohan sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa na lumabas din sa lokal at internasyonal na media, ayon sa ulat ng Brigada News.

Pinanindigan din ni De Lima ang mga testimonya ng Davao Death Squad at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na aniya ay katibayan na ang nagaganap na patayan ay isang tunay na state sponsored.

Nanawagan rin si De Lima sa publiko na manindigan sa hustisya sa oras na lumabas ang katotohanan.