Namamalimos Noon, Graduate na Ngayon! Proud Sampaguita Vendor na Laking Sementeryo, Nakapagtapos ng BS Tourism

Imahe mula sa Facebook account ni Khay Ann IgneImahe mula sa Facebook account ni Khay Ann Igne

Huwag kang susuko kahit na mahirap. Magtiwala ka sa Diyos na walang imposible. Mangarap ka ng mataas at pagsikapan mong makamit ito. Magpursigi ka hanggang makaraos.”

Kahirapan at pamilya ang pinaghugutan ng inspirasyon sa buhay ng isang 21-anyos upang makapagtapos sa pag-aaral.

Si Khay Ann Igle, isang tindera ng sampaguita at lumaki sa  Manila North Cemetery ay nakapagtapos ng kaniyang Tourism degree sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST).

Salaysay ni Khay, tatlong taon pa lamang siya ay nakaranas na siyang mamalimos sa kalsada sa kabila ng pagsusumikap ng kaniyang pamilya na maibigay ang kanilang pangangailangan.

Sa edad na limang taon ay nagsimula na itong maghanapbuhay; sa pamamagitan ng pagtitinda ng sampaguita. Hindi nito alintana ang matinding sikat ng araw at pag-ulan makapagtinda lamang sa iba’t ibang simbahan sa Cubao, Quezon City, España at sa Dangwa Flower Market sa Sampaloc, Manila, ayon sa ulat ng ABS CBN.

Ang buhay po ng pamilya namin sa sementeryo ay sobrang hirap. Kailangan po araw araw kumayod at magbenta ng sampagita para may makain kahit papaano. Minsan wala talaga. Minsan, ‘yung pagkain po namin ay hihingiin ng iba at ibibigay po namin,” ani Khay.

Kahit pa nagsimula na siyang mag-aral ay hindi ito nahinto sa kaniyang pagtitinda.

Nung nag umpisa akong mag aral sa elementarya nagtitinda pa din ako ng sampagita. Tinda sa umaga pasok sa school sa tanghali o kaya naman pasok sa school sa umaga at tinda naman sa tanghali. Ganyan lang kung umikot ang aking buhay,” wika pa ni Khay.

Dumating din si  Khay sa puntong nais na niyang sumuko dahil sa kaniyang sitwasyon subalit ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang mga magulang ang naging inspirasyon niya upang abutin ang kaniyang mga pangarap.

May mga panahon po kasi na down ako at feeling ko hindi sapat ang ginagawa ko. Pero mahal ko ang nanay at tatay ko, and ginamit ko ang mga salita nila bilang inspirasyon at motibasyon. Ang sabi ko sa .sarili ko balang araw makakapagtapos din ako at matutulungan ko sila,” ani Khay.

Sa edad na 9, nagsimula siyang dumalo sa mga session na pinangunahan ng street educators  Childhope Asia Philippines habang nag-aaral at nagtitinda.

Sa pamamagitan ng organisasyong ito ay nagkaroon siya ng oportunidad na maging kasapi ng Junior Health Worker (JHW) program noong siya’y second year high school.  Bilang isang junior health worker, tinuruan niya ang mga kabataan ng mga basic first aid at proper hygiene.

Dito na  nagsimula ng pagbabago sa buhay ni Khay.

Habang si Khay ay nasa Junior High napili siya bilang beneficiary sa Childhope’s Educational Assistance Program (EAP), na sumuporta sa kaniya hanggang siya’y makapagkolehiyo.

Ang saya ko po kasi hindi ko po inaasahan na makakapag-aral pa ako lalo na po na makakapagtapos ng college,” masayang pahayag ni Khay.

 “Masaya ako sa ganitong buhay ko kasi dahil sa paghihirap ko nagkaroon ako ng pangarap sa buhay, hindi lang para sa akin kundi para sa pamilya ko at sa mga taong nakapalibot sa akin. Nagawa ko yung misyon ko sa buhay: ang makapagtapos,” dagdag pa niya.

Masayang ipinagdiwang ni Khay ang kaniyang tagumpay kasama ng kaniyang “Nanay” Gerney Flores sa kanilang bahay sa Manila North Cemetery.

Sa wakas! Lahat ng kaniyang paghihirap, matapos ang 16 na taon ng pagtitinda ng sampaguita sa kalsada ay nakamit niya ang inaasam na pangarap —  ang makatapos sa pag-aaral.

Tunay ngang ang magmahal sa kaniyang mga magulang ay pinagpapala ng  poong Maykapal.