Negosyante nabisto na may karelasyong iba matapos barilin ang GF dahil sa selos

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Nabisto ng kaniyang misis ang isang negosyante sa Ilocos Norte matapos barilin ng huli ang kaniyang kasintahan dahil sa selos.

Kinilala ang suspek sa ulat ng ABS-CBN News na si Silver Agudong, isang negosyante at residente ng  Barangay 18, bayan ng Sarat sa Ilocos Norte.

Napag-alaman sa ulat na nag-iinuman umano si Agudong at ang kaniyang 25-anyos na kasintahan na nakilalang si Laylen Ramilo sa Barangay 54-B Camanggaan, Laoag City nang magselos ang lalaki at barilin nito ang biktima.

Isinugod sa pagamutan si Ramilo matapos magtamo ng isang tama ng bala sa tiyan. Kasalukuyan nang nagpapagaling ang biktima sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital.

Inaresto naman ang suspek at nakuha sa kaniya ang isang kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Nahaharap ngayon si Agudong sa kasong frustrated murder at Republic Act 10591 o New Firearms Law. Bukod dito, nabisto rin siya ng kaniyang asawa na mayroon palang kalaguyo matapos ang pangyayari.