OFW patay sa riding-in-tandem sa Abra

Image from abrenian.com Facebook pageImage from abrenian.com Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang overseas Filipino worker sa Bangued, Abra Miyerkules ng hapon, ika-5 ng Abril.

Kinilala sa ulat ng Bombo Radyo ang biktima na si Amor Acan Fernandez, 50-anyos, may-asawa at residente ng Linasin Zone 1, Bangued, Abra.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Bangued Municipal Police Station na sakay ng kaniyang itim na pick-up truck ang biktima at binabaybay ang kahabaan ng Santiago Street, Zone 7 sa nasabing bayan nang pagbababarilin ito ng dalawang lalaking nakamotorsiklo.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo, leeg at balikat ang biktima na naisugod pa sa Seares Memorial Hospital subalit hindi na umabot nang buhay.

Narekober naman sa loob ng sasakyan ni Fernandez ang isang kalibre .45 na baril at tatlong magazine ng bala.

Inaalam na ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pamamaslang at kung mayroong CCTV sa lugar na nakahagip sa pangyayari.

Si Fernandez ay nakatakda na sanang lumipad pabalik ng Italy kung saan siya nagtatrabaho matapos ang isang buwang bakasyon sa Pilipinas.