Oplan Tokhang Enforcer, Arestado Matapos Mahuling Nagbebenta ng  Shabu

Image by MMT

Arestado ang isang Oplan Tokhang enforcer matapos nitong magbenta ng shabu sa isang undercover agent nitong nitong Abril 18.

Ang suspek ay kinilalang si Virgilio Awit Jr.,51,  kagawad ng  Barangay East Rembo na gamit pa ang government vehicle na may plakang  (SLF 811) ng ito’y maaresto ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat ng Inquirer, si Awit ay nagbenta ng nagkakahalaga ng P1,500 na shabu sa isang poseur-buyer. Siya ay nasakote sa C5 Road sa Barangay East Rembo ng mga miyembro ng Makati City Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

Ayon kay Insp. Jeson Vigilla, SDEU team leader, tatlong  plastic sachets ng shabu ang nasamsam mula sa suspek kabilang na ang marked money.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong  paglabag sa Section 5, 11 at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act 2002.

Si Awit ang siyang kumakatawan sa kanilang Barangay sa mga pulong sa Makati’s Peace and Order Council; ayon sa lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ni Vigilla, ang suspek ay tumutulong pa sa mga pulis sa mga Oplan Tokhang operations.

Dahil sa pagkakasakote sa kagawad,  muling binigyang-diin ni Makati Mayor Abby Binay ang mahigpit na polisiyang ipinatutupad niya laban sa iligal na droga.

We are serious about making Makati a drug-free city. I repeat, there will be no sacred cows under my administration, most especially if it concerns illegal drugs,” turan ni Binay.