Palasyo duda sa timing ng pagsampa ng kaso laban kay Duterte sa ICC

Image by Raffy Tima/ GMa News

MAYNILA, Pilipinas – Kaduda-duda umano ang timing ng pagsampa ng reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court; ito ay ayon sa opisyal ng Malakanyang.

Matatandaang sinampahan si Duterte ng kasong ‘crime against humanity’ ni Atty. Jude Josue Sabio; ang abogado ng self-confessed Davao Death Squad hitman na si Edgar Matobato.

Sa nasabing reklamo, isinasangkot ni Sabio ang Pangulo sa umano’y serye ng extrajudicial killing sa bansa. Tinawag din ng abogado ng ‘mass murderer’ si Duterte.

Subalit ayon sa Palasyo, malinaw na ang motibo ni Sabio ay upang ipahiya ang Pangulo sa darating na ASEAN Summit na gaganapin bago matapos ang buwan.

“The timing of the filing is suspect – apparently meant to create negative news in the midst of the Philippines ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) debut; as it cannot prosper,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

“The intent of this filing in ICC is clearly to embarrass and shame the President, and undermine the duly-constituted government of the Philippines. It is a cynical effort against the reform-oriented agenda of the Duterte administration and of the betterment of the lives of the Filipino people,” dagdag pa ng opisyal.

Maliban kay Duterte idinawit din ni Sabio sa reklamo ang ilang opisyal tulad nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Philippine National Police (PNP chief Director General Ronald Dela Rosa, House Speaker Pantaleon Alvarez, Former Interior Secretary Ismael Sueno, Police Superintendent Edilberto Leonardo, Senior Police Officer 4 Sanson “Sonny” Buenaventura, Police Superintendent Royina Garma, National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran, Solicitor General Jose Calida, Sen. Richard Gordon at Sen. Alan Peter Cayetano.