Palasyo, nag-react sa pagkakasama ni De Lima sa listahan ng TIME’s ‘Most Influential’

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – May reaksiyon ang Malakanyang sa pagkakasama ni Senador Leila De Lima sa listahan ng TIME’s ‘Most Influential People’ para sa taong 2017 na inilabas nitong ika-20 ng Abril.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagama’t sinabi ng TIME na nakulong si De Lima, nabigo naman umano nitong banggitin ang tunay na dahilan.

Si Samantha Power, dating US Ambassador sa United Nations, ang nagsulat ng artikulo tungkol kay De Lima, at sinabi nitong: “Senator de Lima has become Duterte’s most vocal critic—a role her friends call suicidal. Last August de Lima convened a hearing on Duterte’s drug-war killings, featuring devastating testimony from a former hit man. Duterte allies stripped de Lima of her Justice Committee chair. In February she was jailed.”

Wika ni Abella, hindi umano nabanggit na ang dahilan ng pagkakakulong ni De Lima ay dahil nakitaan ng korte ng sapat na dahilan ng senador tungkol sa umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na droga, at hindi dahil sa kaniyang pagiging kritiko ng administrasyon.

Tungkol naman sa pagkakasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan, patunay umano ito ng patuloy na suporta ng publiko sa kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga.

Si Duterte ay napabilang sa 100 ‘Most Influential People’ ng TIME sa kategoryang “Leaders”, habang si De Lima naman ay sa kategoryang “Icons”.

Ang artikulo tungkol kay Duterte ay inambag naman ni Cesar Gaviria, dating presidente ng Colombia.

“There will always be drugs in the Philippines, whether the President likes it or not. The tragedy is that many more people are likely going to die as he learns this lesson,” ani Gaviria.