Pangulong Duterte, balak isabay sa kanyang pag-uwi ang mga nakulong na OFWs na mabibigyan ng clemency mula sa Middle East

Image capture of video by RTVM

Bago lumipad patungo sa Middle East, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasabay niya sa kanyang pag-uwi pabalik ng bansa ang ilan sa mga nakulong na overseas Filipino workers (OFW) na mabibigyan ng pardon o clemency.

Sa video ng RTVM na ibinahagi ng Inquirer, isang reporter ang nagtanong sa Pangulo kung kasama sa mapag-uusapan sa kanyang pagbisita sa Saudi Arabia, Bahrain at Qatar ang kapalaran ng mga OFW na nasa death row doon.

Sinagot ito ni Pangulong Duterte na kung mabibigyan siya ng “clearance” na maiuwi ang mga nasabing OFW ay iuuwi na niya ang mga ito.

“Pagdating ko dito ay dala ko na ang iba,” anang Pangulo.

Makakaharap ni Pangulong Duterte si King Salman bin Abdulaziz Al Saud sa Riyadh, Saudi Arabia mula ika-10 hanggang ika-12 ng Abril. Mula ika-12 hanggang ika-14 ng Abril naman ang pagbisita niya sa Bahrain. Sa Qatar naman ay mula ika-14 hanggang ika-16 ng Abril ang nakatakdang pagbisita ng Pangulo.