Pangulong Duterte nagprisintang ‘ninong’ sa anak ng OFW; Mocha puwede ring ‘ninang’ umano

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Iprinisinta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang sarili bilang ninong sa binyag ng anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na kasama sa 150 na nakauwi sa bansa matapos mag-avail ng amnesty sa Saudi Arabia.

Nasa kalagitnaan ng kaniyang talumpati si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes nang biglang umiyak ang sanggol na nakatawag sa atensiyon ng Pangulo.

“O, may anak, may dalang anak? Ilang taon na ‘yan ma’am? Nabinyagan na? Wala pa? Wala pa?” sunod-sunod na tanong ni Duterte sa OFW na dating nagtatrabaho bilang domestic worker.

“O doon, taga-saan ka? Find a day na mapunta ka dito, punta ka kay, sa DSWD, maghanap ako ng pari. Doon natin binyagan ‘yan at ako ang ninong,” dagdag pa ni Duterte.

Bukod dito, inalok na rin ni Duterte na maging ninang ng bata ang blogger na si Mocha Uson na nakasama niya sa kaniyang katatapos lamang na state visit sa Gitnang Silangan.

“Ang ninang, si Mocha. .. Mocha, nasaan ka? Kasama ko siya kasi marami siyang fans doon and I am really gratified by the huge crowd,” patuloy ni Duterte.

“Maski saan ako pumunta, ma-Laos, ma-ano, ano ako sa Pilipino. Ganon na lang ang… gusto ko nang minsan lumuhod. Really, I feel like kneeling down and …and thank you for helping the country,” dagdag pa ng Pangulo.

Kababalik lang sa bansa ni Duterte kung saan kasama niya ring nakauwi ang 150 OFW na nabigyan ng amnesty.

Bukod dito, baon din ng Pangulo ang halos $1-B na pangakong investment mula sa mga negosyante ng tatlong bansa na kaniyang binisita.