Pangulong Duterte, Sinuyo ang mga Negosyante sa Qatar

imahe mula sa The Peninsulaimahe mula sa The Peninsula

Sinuyo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga negosyanteng Qatari na mamuhunan at galugarin ang mga oportunidad ng pangangalakal sa Pilipinas sa kanyang pagdalaw noong Abril 15, 2017 sa Doha, Qatar.

Ito ay huling leg ng kanyang State visit sa mga piling bansa ng Gitnang Silangan at inaasahang makakadaupang-palad si Qatari Emir Sheikh Tamim bin Hamad al-Thani upang magkaisa at pagkasunduan ang ilang mga bagay tulad ng usaping pangkalusugan, pang-edukasyon, pangkultura at iba pa.

Malugod at mainit na sinalubong ng mga opisyal ng Qatar sa pangunguna ni Energy Minister Mohammed bin Saleh al-Sada ang Pangulo at mga delegado nang siya ay dumating sa Doha International Airport matapos ang kanyang pagbisita sa Bahrain.

Ibinida ng Pangulo na ang Pilipinas ay isang agrikultural na bansa na nagluluwas ng saging, cacao, kamote, kape, goma, at iba pang mga pananim na tiyak na maaaring pamuhunanan ng mga negosyanteng Qatari.

“We will honor any contract that we sign. The Philippines is fully committed to all its trade partners. It is now much more easier to establish a business in the Philippines than before. I am committed to transforming my country into a completely corruption-free society, no matter whatever it takes,” bahagi ng talumpati ng pangulo sa Philippines-Qatar Business Forum na inorganisa ng Qatar Chamber.

Dumalo sa naturang forum ang iba’t ibang matataas na dignitaryo, senior diplomats, mga kilalang negosyanteng Qatari, kabilang si Mohamed bin Ahmed bin Towar Al Kuwari, Vice-Chairman ng Qatar Chamber (QC).

Matapos ang forum, inaasahang katatagpuin ng pangulo ang mahigit 6,000 OFW na sabik na sabik na siya’y makadaupang-palad.

Pagsapit ng Linggo sa oras ng Qatar, inaasahan ang paghaharap nila ni Qatar Emir Al-Thani sa Emiri Diwan o Palasyo ng Emir upang pag-usapan ang mga ugnayang bilateral ng Qatar at Pilipinas.

Ayon naman kay Alan Timbayan, kinatawan ng Pilipinas sa Qatar, nangangailangan ang Qatar ng mga Pilipinong inhinyero at manggagawa upang simulan ang maagang konstrukyon at preparasyon para sa Fédération Internationale de Football Association (Fifa) World Cup kung saan ang Qatar ang maghohost sa 2022.

 

 

 

Loading...