Pangulong Duterte tumulak na patungong Middle East

Image from Presidential Communications Facebook pageImage from Presidential Communications Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Tumulak na papuntang Middle East si Pangulong Rodrigo Duterte para sa ilang araw na pagbisita sa tatlong bansa doon na nataon ngayong Semana Santa.

Lumipad patungong Saudi Arabia si Duterte ngayong Biyernes, ika-10 ng Abril, at mananatilin doon hanggang ika-12 ng Abril. Susunod niyang bibisitahin ang Bahrain mula ika-12 ng Abril bago tutungo sa Qatar sa ika-14 hanggang ika-16.

Inaasahang magbubunga ng hanggang $500-B na investment ang nakatakdang biyahe ng Pangulo sa nasabing tatlong bansa sa Gitnang Silangan.

“The President hopes that through the stronger partnerships he will forge during this visit, he can tap into the over US$500 billion combined investment capital of Saudi Arabia, Bahrain, and State of Qatar and bring home more investments and jobs for our people,” ani Foreign Affairs Undersecretary Hjayceelyn Quintana sa isang pahayag.

Makakausap at makakadaupang-palad ng Pangulo sina King Salman bin Abdulaziz Al Saud ng Saudi Arabia; King Hamad bin Isa Al Khalifa ng Bahrain; at Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani ng Qatar.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III na makakasama ng Pangulo sa nasabing biyahe, kasama sa magiging agenda ng pakikipag-usap ni Duterte sa mga lider ng tatlong bansa ang paglagda sa bilateral agreement hinggil sa mga overseas Filipino worker (OFW) at pagsasaayos ng amnesty program para sa mga ito.

“We are going for a bilateral agreement with these countries concerning our household service workers (HSWs). We are eyeing fixed minimum salary rate for HSWs, insurance coverage, securing a day off and fixed working hours,” ani Bello sa panayam ng Manila Times.

Ipinaliwanag naman ni Quintana na nagkataon lang na sa Holy Week ang nakatakdang biyahe ng Pangulo ngunit hindi umano ito sinasadya.

Sa katunayan umano, maraming petsa ang naikunsidera subalit nitong Holy Week ang napagkasunduan.