[Panoorin] Itinanggi ng mga Kaklase ang Diumano’y Pambubully sa 17-anyos na Nasawi sa Pambubugbog

Imahe mula sa video ng GMA via You Tube

Itinanggi ng mga kaklase ng Grade 7 student ng Manuel I. Santos Memorial National High School sa Taytay, Rizal na binully at sinaktan nila si John Mark Lucero. Ang alam daw nila ay isang outsider ang nagbanta na bubugbugin daw nila ang biktima.

Pasa sa magkabilang braso at tuhod, nagdurugong ngipin at namamagang pisngi ay ilan sa mga ininda ni John Mark; ayon sa ulat ng GMA.

Pumanaw si John Mark nitong Abril 6 dahil sa Leukemia ngunit bago na-comatose ay naikuwento pa ng biktima sa ina at doktor ang pananakit na naranasan nito  mula sa apat na kaklase.

Naibigay pa ng ina ang mga detalye ng bullying na dinanas ng anak mula sa apat na kaklase sa naturang paaralan nitong Marso 24 bago pa lumala ang kondisyon nito.

Nitong Abril 10, ipinatawag ng pamunuan ng paaralan ang ina ni John Mark at mga kaklase ng anak nito.

Nagulat na lang siya nung may balita kahapon,” wika ng isang magulang.

Nakausap ko po iyong anak ko kanina e, sabi naman po niya hindi naman daw nila nilalapitan yun saka tahimik naman daw po yun e,” ayon sa isang magulang.

Ayon sa isang magulang, nagpasaklolo pa umano ang biktima dahil sa banta ng pambubugbog ng isang outsider

Minsan nga galing sa school, [sabi niya] Mama meron akong kaibigan na ano, pero hindi naman namin siya ano kasi tahimik, inaabangan siya sa labas.’ Yun lang, ‘di ko na inintindi sir gawa ng busy din po kami,” ayon naman sa isang ina.

Lalong nabagabag ang ina ni John Mark dahil lumalabas na kasinungalingan ang sinabi ng kaniyang anak.

Di ba po ‘di na nagsusumbong ang anak ko, tapos ngayon yung kwento niya hindi pa napatunayan? Ano pa pong hahabulin ko doon? Wala na iyong anak ko,” ayon sa ina ni John Mark.

Ayon sa Taytay-PNP, iniimbistigahan na nila ang anggulo ng outsider na nanakit sa  biktima.

Ayun po ang tinitingnan natin na kung talagang binugbog kasi ayon nga po sa apat, kasi iyong apat po ang sinasabi ng biktima bago pumanaw,” ayon kay PO2 Ahrenz Comaad.

Ani Comaad, nakatakda namang isailalim sa autopsy ang biktima, aniya: “I-examine po natin kung ano ang cause of death ng biktima natin.”

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang pamunuan ng paaralan sa pamilya ng biktima ngunit hindi pa rin ito nagbigay ng pahayag dahil inihahanda pa ang incident report.

Ang paaralan ay may anti-bullying system sa lugar at nangakong dadagdagan pa ang mga kaparehong seminar.

Napagharap nga iyong magulang tapos anak ko pa rin ang nadiin. Siya na iyong nawala siya pa madidiin,” wika ng ina ni John Mark.

Isinasaalang-alang ng ina ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga sangkot sa pagkamatay ng kaniyang anak.

Si John Mark ika-2 sa walong magkakapatid na ang pangarap ay maging sundalo.

Panooring ang video na ito mula sa GMA: