[Panoorin] Teen Opera Singer, Four-Chair Turner sa Blind Audition ng The Voice Teens

imahe mula sa ABS CBN News Online

Isang teenager na umawit ng opera ang nagpabilib sa apat na coaches ng The Voice Teens na humantong sa four-chair turn para sa kanya.

Inawit ni Mica Becerro, 17 taong gulang mula sa Surigao Del Norte ang awiting “Queen of the Night” na nagpatindig sa balahibo ng mga coaches na sina Sharon Cuneta, Bamboo, Sarah Geronimo, at Lea Salonga na napatayo pa.

Sinikap ng mga coaches na himukin ang dalagitang piliin ang kanilang team sa pamamagitan ng iba’t ibang pakulo. Nang si Coach Lea na ang humimok sa dalagita, hindi nito napigilang maging emosyonal lalo na’t sinariwa niya ang kanyang mga alaala noong siya ay nagtanghal bilang Miss Saigon dahil magkatulad sila ng genre.

Naranasan daw ni Lea na tila “bumagsak” o nawala sa kondisyon ang kanyang tinig habang ginagawa niya ang Miss Saigon noong kanyang kabataaan. “Hindi ko rin alam kung bakit. Para bang my body is rebelling against me,” pag-amin pa niya.

Dagdag pa ni Salonga, napagpasyahan ng producer ng show na paturuan siya sa isang voice coach upang mahasa at maturuan siya ng disiplina upang hindi masira nang tuluyan ang kanyang tinig dahil umaabot ng 5 hanggang 8 palabas ang kailangan niyang itanghal bilang Miss Saigon sa loob ng isang linggo.

“The first thing she said, ‘I will teach you classical technique because that’s what’s going to save you. You will sing to survive. You will be able to make it to the next show,” ani Salonga.

Ito raw ang gagawin niya kay Becerro kung sakaling siya ang piliin nito bilang coach dahil handa raw siyang ituro ang classical technique na nalalaman niya para rito. Nagbigay pa siya ng paalala sa publiko na hindi dapat pinagtatawanan ang mga makaluma o klasikong awitin tulad ng opera.

Bumanat naman si Coach Sharon Cuneta na wala man siyang Miss Saigon, may “Mr. DJ” at “Bituing Walang Ningning” naman siya.

Sa huli, pinili ni Becerro si Coach Lea Salonga at napabilang sa Fami-Lea.