Pasyente pinagbabaril sa loob ng ospital sa Apayao

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Malubhang nasugatan ang isang pasyente na nagpapahinga lamang sa kaniyang kama sa loob ng ospital sa bayan ng Luna, Apayao nitong Martes.

Kinilala ang 47 anyos na biktima na si  Andres Materum Jimenez, may-asawa, nagtatrabaho bilang driver  at nakatira sa Brgy Poblacion, Abulug, Cagayan.

Ayon sa imbestigasyon ng Police Regional Office-Cordillera, nakahiga lang umano sa kaniyang kama si Jimenez sa Far North Luzon General Hospital and Training Center nang pasukin ito ng mga armadong lalaki at bigla na lang pagbabarilin.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib si Fernandez at ngayon ay inilipat na sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City kung saan ito nagpapagaling.

Wala namang pagkakakilanlan pa ang mga imbestigador sa mga bumaril sa biktima at inaalam pa rin ang motibo sa likod ng krimen.

Narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang limang bala ng baril. Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang kaso, ayon sa mga pulis.

Kaagad namang iniutos ni Apayao Vice Governor Remy Albano ang mahigpit na pagbabantay sa mga pampublikong pagamutan sa probinsiya dahil sa pangyayari.