PCG napigilan ang mga pirata sa pangha-hijack ng isang cargo vessel sa Zamboanga del Norte

Image from Philippine Navy

Napigilan ng Philippine Coast Guard ang pag-atake ng mga pinaghihinalaang pirata sa isang cargo vessel sa Zamboanga del Norte Martes ng umaga, ika-18 ng Abril.

Ayon kay Zamboanga Coast Guard Station Commander Alvin Dagalea, napigilan ang pag-atake dakong 6:30 ng umaga sa karagatan sa Siocon, Zamboanga del Norte.

Sa ulat ng Sun Star, galing sa Iloilo patungong Zamboanga City ang cargo vessel na MV Doña Anabelle nang harangin ito ng armadong grupo na sakay ng dalawang bangkang de motor.

Bigo ang ginawang pag-atake ng mga pirata dahil sa maagap na pagresponde ng PCG at ng navy sa distress call ng MV Doña Anabelle.

Wala naman umanong nasaktang crew ng merchant ship sa nasabing insidente. Matiwasay na natuloy ang paglalayag nito sa tulong ng PCG at navy na sinamahan sila hanggang makarating sa patutunguhan.

Source :

Sun Star, Topix