PHIVOLCS: Maynila, Isa sa Labis na Maaapektuhan sa Sandaling Maganap ang Kinakatakutang ‘The Big One’

Public domainPublic domain

“Sa kabila na malaki ang naitutulong ng mga earthquake drill ay kailangan pa rin ng matinding paghahanda!”

Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Renato Solidum na isa ang Maynila sa labis na maaapektuhan sa sandaling maganap ang kinakatakutan na “The Big One”.

Sinabi ni Solidum sa ginanap na pulong sa Maynila kamakailan na mapupuruhan ang Maynila sa sandaling gumalaw ang West Valley Fault.

Inihalimbawa ni Solidum ang Maynila sa isang pinggan ng gelatin, kung saan ito ay magiging magalaw – lalo na ang mga reclaimed land sa mga ilog – ng malaking bahagi ng lungsod.

Ani Solidum, maraming naglalakihang gusali ang maaaring gumuho sa Maynila kung kaya’t mas maraming buhay ang masasakripisyo.

Payo ni Solidum sa lokal na pamahalaan ng Maynila na maging mahigpit sa pagbibigay ng building permit at siguraduhin ang tibay at lakas ng lupa upang masabi kung anong bahagi ng lungsod ang may kapasidad na pagtayuan ng 20 palapag na gusali.

Ayon pa kay Solidum, kailangan munang pag-aralan ng pamahalaan ng Maynila ang mga proyekto na may kaugnayan sa malalim na paghuhukay sapagkat walang nakaaalam kung kailan darating ang “The Big One.”

Ani Solidum, kailangan ng kooperasyon at tulong mula sa pamahalaan ng Maynila dahil sa kanila nanggagaling ang building permit at ang pasya sa paghuhukay sa lungsod, ayon sa ulat ng Abante.

Sinabi rin ni Solidum na walang kinalaman ang mga lindol sa Batangas at Lanao del Sur sa West Valley Fault, na umano’y ‘hinog’ na sa paggalaw dahil lokal na fault line ang nasa likod ng magkakasunod na lindol.

Ani Solidum, wala rin kinalaman ang mga lindol na nangyari sa binabantayang major fault line sa Kalakhang Maynila, saad sa ulat ng ABS-CBN.

Nagbigay din ng paghahanda si Solidum sakaling maganap ang malakas na lindol. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Tanggalin ang mga frame, eskaparate, libro at iba pang gamit sa itaas ng kama dahil delikadong bumagsak ang mga ito sa mga natutulog sakaling lumindol nang malakas.

2. Makabubuti sa isang pamilya na maghanda ng “emergency survival bag” na naglalaman ng mga pagkain, tubig, gamot, damit, pito at de-bateryang radyo upang makasagap ng balita.

3. Mainam na mapag-usapan na ng isang pamilya ang lugar na magsisilbing tagpuan sakaling lumindol at magkahiwahiwalay ang bawat miyembro kahit wala pa ang “The Big One”.

Paliwanag ni Solidum, malaking tulong na kahit isang miyembro ng pamilya ay may alam sa pagbibigay ng “first aid” at mas mainam na makapag-ensayo ng earthquake drill ang bawat pamilya upang masigurado na handa sa oras ng kalamidad.

4. Sa mga nagpapagawa ng bahay, huwag tipirin ang materyales.

Ani Solidum: “Kapag tinipid ang materyales sa paggawa ng ating bahay, tinipid na rin natin ang ating buhay.”

Turan ni Solidum, kung kakayanin ay malaki ang maitutulong na maipatingin sa isang inhinyero ang kapasidad ng isang bahay o isang gusali upang malaman kung matatagalan nito ang isang malakas na lindol.

Dagdag pa ni Solidum, mas marami ang namamatay sa mabababa o low-rise buildings kaysa sa mga matataas na gusali.