Piñol sa Rice Traders: Pagmamanipula ng Presyo ng Pangunahing Bilihin, Hahadlangan ni Duterte

Public domain

Binalaan ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang rice traders na hahadlangan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sino mang magtatangka na manipulahin ang presyo ng pangunahing bilihin sa bansa sa pamamagitan ng pag-iimbak at smuggling.

Saad ni Piñol: “Kung sa pag-aakala ng mga rice cartel at rice traders na puwede nilang i-blackmail si Duterte, nagkakamali sila. Kilalanin nila ang mamang ito… Don’t mess with this guy kung hindi ka preparadong makipag-away sa kanya.”

Ani Piñol, ang mga rice trader ay nag-aangkat ng bigas tuwing anihan upang mai-adjust nila ang supply at makapagbayad ng mas mababa sa mga lokal na magsasaka.

Ipinagpaliban ni Pangulong Duterte ang pag-aangkat ng mga bigas sa ibang bansa upang palakasin ang pagbili ng mga bigas sa mga magsasaka, ayon sa ulat ng DZMM.

Gayunpaman, ayon kay Piñol, nakatanggap siya ng mga ulat na sinusubukan ng ilang mangangalakal na mag-smuggle ng bigas sa bansa.

Ani Piñol, isang taga-suporta ni Pangulong Duterte sa Malaysia ang nagpadala sa kanya ng mga larawan ng Vietnamese vessels na naglalagay ng mga bigas sa mga barko na papuntang Sulu, Tawi-Tawi at mga probinsya ng Zamboanga.

Sinabi ni Piñol na kukumbinsihin niya si Pangulong Duterte na bumuo ng isang task force upang pigilan ang smuggling attempts, at magsisiyasat ng mga warehouse ng rice traders at mag-iimbentaryo ng stockpiles.

“Kapag ang task force na ito ay nagsimula nang gumalaw, tingnan ko lang kung ‘di umikot ang tumbong nila,” turan ni Piñol.

Source :

ABS-CBN, Facebook