Pope Francis, Humingi ng Kapatawaran Para sa Simbahan at Sangkatauhan

Larawan mula sa Unofficial: Pope Francis via Facebook page

Pinangunahan ni Pope Francis ang Good Friday Service sa St. Peter’s Basilica sa Roma na humihingi ng kapatawaran sa mga naging pagkakasala ng simbahan at sangkatauhan.

Nanguna rin ang Santo Papa sa traditional candlelight Via Crucis (Way of the Cross) service sa Rome’s Colosseum na dinaluhan ng  20,000 katao. Naging mahigpit ang seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa banta ng terorismo kaya isinara ang ibang mga kalsada samantalang nagkalat ang mga armored vehicle at bomb-sniffing dogs.

Isang malaking krus na kahoy ang inilibot sa 14 na istasyon sa pamamagitan ng prusisyon, na nagpapakita ng mga nalalabing sandali sa buhay ni Hesukristo mula sa kanyang paglilitis, pagpapahirap, pagkakapako sa krus, at paglilibing.

Pagkatapos ng halos dalawang oras na seremonya, binasa ng Santo Papa ang kanyang panalangin na pumapalibot sa tema ng kahihiyan at pag-asa.

Sinambit ni Pope Francis na nawa’y magkaroon ng kahihiyan ang mga taong simbahang tulad ng mga pari, obispo, at mga madre sa tuwing “nasusugatan” ang Kanyang katawan dahil sa iba’t ibang eskandalong kinasasangkutan nila gaya ng sexual abuse.

Matatandaang naging kontrobersyal ang simbahang Katolika sa nakalipas na halos dalawang dekada dahil sa iba’t ibang eskandalong kinasangkutan ng mga pari na may kaugnayan sa sexual abuse, incest at pedophilia.

Nanawagan din ang Santo Papa ng kahihiyan sa lahat dahil sa araw-araw na balita ng pagpatay sa mga babae, mga bata, at mga immigrant, gayundin sa mga nakondena dahil sa kanilang lahi, kalagayang sosyal at pananampalatayang panrelihiyon.

Inihingi rin ng kahihiyan at kapatawaran ni Pope Francis ang lahat ng uri ng kaguluhan na nagiging karaniwan na lang sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa kabila ng lahat ng nangyayaring hindi maganda sa simbahan at sangkatuhan, may pananalig pa rin ang Santo Papa na muling magwawagi ang kabutihan laban sa kasamaan.

Inaasahang mas magiging abala ang Santo Papa sa Linggo ng Pagkabuhay; ang pinakamahalagang araw sa Christian liturgical calendar kung saan nakatakda niyang basahin ang kanyang mensaheng “Urbi et Orbi” (“To the City and the World”) sa St. Peter’s Square.