Pulis na Nahuli sa Aktong Gumagamit ng ‘Shabu’, Bagong Buhay Na Nga Ba?

Imahe mula sa video ng ABS CBN

Bagong buhay na nga ba?

Maayos at kumpleto ang uniporme, kasama ang pamilya nang  magtungo si Superintendent Lito Cabamongan sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame nitong Abril 27.

Malayung-malayo ang kilos  sa kaniyang naging imahe noong siya’y naaresto sa aktwal na paggamit ng iligal na droga noong Marso 30.

Ganito inilarawan ni Philippine National Police Crime Laboratory Director Chief Superintendent Aurelio Trampe, Jr. si Cabamongan nang matungo ito sa Camp Crame.

Ayon kay Trampe, hiniling ni Cabamongan na makabalik sa Crime Lab ngayong siya’y nakapagpiyansa na.

 “He’s requesting to go back sa Crime Lab. Sabi ko, ayusin muna ang kanyang criminal and administrative cases bago namin siya tulungan. Marami siyang anak na kailangan pa ng suporta at supported siya ng pamilya niya,” ayon kay Trampe.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, hanggang ngayo’y itinatanggi ni Cabamongan ang paggamit ng iligal na droga. Iginiit niya na pineke ang resulta ng kaniyang drug test.

“Hindi naman ako naniniwala doon. Wala namang order coming from me na gawing positive ang result ng drug test. We will abide by the result, wala namang order to make it positive come what may.”

Sinabi rin ni Trampe na nais ni Cabamongan na iakyat ang reklamo sa korte.

I don’t know kung mapo-prove. It’s for the appreciation of the court and IAS kung totoo ang sinasabi niya. Kokontrahin niya ang findings. Sabi ko, I cannot do anything with those findings for you to negate o kontrahin niya iyung findings ng Crime Lab, but we have a presumption of regularity sa conduct namin ng drug test,” saad ni Trampe.

Iginiit ni Cabamongan na siya’y galit lamang at nasa bad mood noong siya’y arestuhin.

Noong panahon daw na ini-interview siya, galit daw siya kumbaga masama ang loob niya sa pagkahuli sa kanya,”  ani Trampe.

Ngunit maliit ang tyansang makabalik sa serbisyo si Cabamongan dahil hindi ito nakapasa sa neuro-psychiatric evaluation.

Iminungkahi naman ni Trampe na kunin ang optional retirement matapos niyang maresolba ang  mga kasong administratibo at kriminal na isinampa laban sa kaniya.

Si Cabamongan ay pinayuhan ding sumailalim sa  psychiatric help at medikasyon.