Pulis na Nahuli sa Aktong Gumagamit ng ‘Shabu’, Nakalaya Matapos Magpiyansa

Mga imahe mula sa Twitter account ni Raffy Sison Santos

Nakalaya nitong Abril 21 ang highest-ranking police officer na nahuli sa aktong gumagamit ng iligal na droga sa Las Pinas City matapos ma-downgrade bilang bailable offenses ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.

Ayon sa ulat ng CNN Philippines, pinakawalan ng Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) si Police Superintendent Lito Cabamongan matapos nitong magpiyansa ng P240,000 para sa kaniyang pansamantalang paglaya.

Inaprubahan ni Las Piñas RTC Branch 201 Judge Lorna Domingo ang aplikasyon ni Cabamongan upang makapagpiyansa at siya’y mapalaya.

https://twitter.com/raffsantos/status/855576156208119808

 

Si Cabamongan ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Chief ay inaresto noong Marso dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa gitna ng kampanya ng pamahalaan sa drug war.

Nauna nang sinampahan ng  kasong paglabag sa Sections 13, 14 at 15 ng Republic Act no. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 si Cabamongan.

Ibinaba naman ng korte ang kaso laban sa pulis sa paglabag sa Section 12 (possession ng drugs at paraphernalia) at Section 15, na mga kasong parehong maaaring makapagpiyansa.

Maliban pa sa kasong kriminal, nahaharap din ang pulis sa kasong administratibo.

Nitong unang bahagi ng Abril, nagpositibo sa paggamit ng shabu si Cabamongan. Kinumpirma rin ng PNP Crime Lab na ang neuro-psychiatric evaluation nito ay patungo sa “psychosis secondary to drug abuse.”

Nasamsam kay Cabamongan at kasama nitong si Nedy Acompanado Sabdao ang apat na plastic ng sachet na naglalaman ng shabu, dalawang  disposable lighters at tatlong  aluminum foil strips, nitong Marso 30.