Riding-in-tandem na bumaril sa dating‘Lakambini ng Bulacan’, nahagip sa CCTV

Image capture from GMA News videoImage capture from GMA News video

MAYNILA, Pilipinas – Nakunan sa security camera ang dalawang suspek sa pagpatay kay Mary Christine Balagtas; ang dating ‘Lakambini ng Bulacan’ na binaril ng pinaghihinalaang gun-for-hire sa Plaridel, Bulacan noong ika-5 ng Abril.

Sa CCTV footage na inilabas ng Plaridel police, ayon sa ulat ng GMA News, makikita ang dalawang lalaking magka-angkas sa motor na dumaan sa harap ng camera. Subalit hindi makita ang mukha ng mga suspek dahil nakasuot ang mga ito ng helmet.

Mapapansin din na may dala itong bulaklak; palatandaan na maaaring nahagip ng CCTV ang dalawa bago mangyari ang pamamaslang.

Matatandaang binaril si Balagtas ng isa sa mga suspek na nagkunwaring nag-deliver ng bulaklak at kahon ng tsokolate sa bahay ng biktima sa 1st La Mirada Subdivision sa Barangay Banga ng nabanggit na bayan.

Samantala, naglabas na rin ng artist sketch ng mismong gunman ang Plaridel police. Isinalarawan ang suspek na nasa edad 38 pataas, may taas na 5’6” hanggang 5’7” at  may katamtamang pangangatawan.

Handa ring magbigay ng P100,000 na pabuya ang lokal na gobyerno ng Plaridel para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga salarin.

Ayon kay Police Supt. Julio Lizardo, hepe ng Plaridel police, ‘love triangle’ pa rin ang tinitingnan nilang anggulo sa pamamaril habang napapansin nila umano na tila nakararamdam na ng takot ang pamilya Balagtas dahil sa nangyari.

Buong ulat ng GMA News: