Robredo kinumpirmang tuloy ang ‘dinner date’ kay Duterte pagkatapos ng Holy Week

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Sa kabila ng mga paalala sa kaniya, kinumpirma ni Vice President Leni Robredo na tuloy na ang kanilang ‘dinner date’ ni Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng Semana Santa.

Matatandaang inimbitahan ni Duterte si Robredo at ang mga anak nito para sa isang ‘dinner date’ na tinanggap naman ng huli noong nakaraang buwan sa kasagsagan ng usapin ng planong impeachment laban sa dalawang mataas na opisyal ng bansa.

Sa ulat ng GMA News nitong Lunes, ika-10 ng Abril, tuloy na umano ang nasabing hapunan, ayon na rin sa Pangalawang Pangulo.

Kasama rin umano ang mga anak ng huli sa naturang ‘dinner date’ bagama’t tumanggi si Robredo na sabihin ang eksaktong petsa at lugar na pagdarausan ng kanilang pag-uusap.

Si Duterte ay tumulak patungong Gitnang Silangan nitong Lunes para sa anim na araw na pagbisita sa Saudi Arabia, Bahrain at Qatar. Siya ay nakatakdang bumalik sa bansa pagkatapos ng Semana Santa.

Matatandaang tinanggap ni Robredo ang imbitasyon ng Pangulo sa kabila ng mga pangamba ng kaniyang mga kaalyado na ito ay maaaring ‘patibong’ lamang ng kasalukuyang administrasyon.

“He’s the President extending a hand… so your assumption is always that he has good intentions, right? It seems bad not to meet his offer halfway,” paliwanag ng opisyal.