Sampung miyembro ng Abu Sayyaf napatay ng militar sa isang engkwentro sa Sulu

Image from The Long War journal Image from The Long War journal

Sampung miyembro ang nalagas sa bandidong grupo na Abu Sayyaf Group matapos ang matinding bakbakan sa pagitan nito at ng mga sundalo na naganap noong ika-2 ng Abril sa bayan ng Talipao sa Sulu.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, nagsagawa ang Joint Task Force Sulu ng focused military operation sa pangunguna ng 41st Infantry Battalion sa bulubunduking bahagi ng Upper Laus sa Talipao matapos makatanggap ng impormasyon na mayroon doong malaking grupo ng mga Abu Sayyaf kasama ang ilang bihag na Vietnamese at Indonesian.

Tinatayang nasa 100 bandido ang nakasagupa ng mga sundalo dakong 9:30 ng umaga. Tumagal ng ilang oras ang bakbakan na ikinasugat naman ng 32 sa hanay ng mga sundalo. Pinaniniwalaan na ang mga bandidong nakasagupa ng puwersa ng pamahalaan ay mula sa grupo nina Abu Sayyaf leader Radullan Sahiron at iba pang lider na sina Hatib Sawadjaan at Al mujer Yadah.

Narekober ng militar ang dalawang M16 rifles at isang bangkay ng bandido. Nakita rin sa lugar ang mga dahon ng niyog na may bahid ng dugo na pinaniniwalaang ginamit ng mga bandido na panghila sa mga namatay nilang kasamahan.

 

Loading...