San Miguel Magha-hire ng mga Dating Drug Dependents sa QC para sa MRT-7 Project

Public domain

Nakatakdang mag-hire ang San Miguel Corporation (SMC) ng mga dating  drug dependent ng Quezon City na nakakumpleto ng rehabilitation program ng gobyerno para sa Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na proyekto nito.

Ito ang inihayag ni QC Vice Mayor Joy Belmonte sa seremonya ng pagtatapos ng 100 dating mga drug dependent na nakakumpleto ng community-based rehabilitation program ng  Quezon City’s Anti-Drug Abuse Advisory Council; ayon sa ulat ng GMA.

Ayon kay Belmonte, nakatakdang lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Abril 25 upang maging pormal na ang kasunduan sa SMC.

Aside from San Miguel, mayroon pang ibang mga private companies na gustong makipag-MOA sa city government. Nakita kasi natin na mayroong mga suitable for clerical work o sa mga call center jobs,” wika ni Belmonte.

Sa paraang ito tinutulungan natin na sila’y makahanap ng hanapbuhay. Hindi naman kasi ibig sabihin na gumamit ka ng bawal na gamot ay masamang tao ka na,” dagdag pa nito.

Mahigit sa 16,000 illegal drug users ang sumuko sa ilalim ng Oplan Double Barrel ng pamahalaan.

Sa ilalim ng programang pangrehabilitasyon ng QC, ang mga sumuko ay kailangang sumailalim sa 12 mandatory clinical counseling sessions sa loob ng tatlong buwan. Matapos nito’y isasagawa ang drug testing at  psychological evaluation.

Ang paggagamot ay gagawin sa Drug Treatment and Rehabilitation Center  na matatagpuan sa Payatas. Ang mga drug dependents na nakakumpleto ng rehabilitation program ay susubaybayan ng Barangay Drug Abuse Councils upang  tiyaking hindi na ito babalik sa dati nilang pamumuhay.

Ang MRT-7 project ay 23-kilometrong elevated railway system na nag-uugnay sa MRT-3 North Avenue sa Quezon City hanggang sa San Jose del Monte in Bulacan. Ang  P62.7-billion proyektong ito ay sasaklaw sa  14 istasyon.

Ito ay inaasahang makapagsasakay ng 56,000 commuters kada oras araw-araw na may kapasidad na 850,000 na pasahero.

Ang konstruksiyon ng train system at pinagsanib na transport terminal ay kasalukuyang ginagawa at ito’y nasa 5.04% noong Pebrero 10.

Source :

Twitter, GMA, ABS CBN