Simbahang Katolika, suportado ang balak ng pamahalaan na pagluluklok ng barangay officials

Mga imahe mula sa Radyo Veritas Asia--Filipino Service at Rody Duterte FB pages.

Suportado umano ng Simbahang Katolika ang balak ng pamahalaan na magluklok na lamang ng barangay officials kaysa maghalal. Ito ay ayon kay  Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos noong Linggo, Abril 2, 2017.

Sa isang artikulo ng Manila Bulletin, sinabi ni Santos na sang-ayon sila sa balak ng pamahalaan na konsultahin ang simbahan at iba pang grupo sa pagpili ng mga iluluklok na barangay officials.

Sinabi  raw ito ni Bishop Santos matapos mapabalitang inilipat muli ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang barangay elections dahil marami umano sa mga tumatakbo ang may kinalaman sa bentahan ng bawal na gamot.

Matatandaan na ito ang pinakadahilan ni Pangulong Duterte kung bakit niya ipinagpapaliban ang eleksyon sa mga barangay. Ang nais ng Pangulo ay mag-appoint ng mga opisyal sa barangay na ipinayo ng simbahan at ilang progresibong grupo.

“That is a very good and interesting suggestion… Here we can have effective partnership with the government,” sabi ni Bishop Santos.

[Magandang suhestiyon iyan… Dahil diyan, magkakaroon ang simbahan at pamahalaan ng magandang partnership.]

“When people see that our government and church are working hand-in-hand, cooperating with one another for the common good of the country, they will be inspired and encouraged to unite themselves for our country’s progress and peace. We in the Diocese support this effort and we will collaborate,” dagdag pa niya.

[Kapag nakikita ng masa na ang pamahalaan at simbahan ay magkatulong para sa ikabubuti ng bansa, mai-inspire sila upang magkaisa para sa ikauunlad at ikapapayapa ng ating bayan. Kami sa sa Diocese ay sinusuportahan ito. Kami ay makikipagtulungan.]

Samantala, ang mga mambabatas naman ay hati sa pagsuporta sa balak ni Pangulong Duterte. Ang ilan sa kanila ay iginigiit na inaalisan umano ng karapatan ang mga mamamayan upang maghalal. Ang iba naman ay sang-ayon sa pangulo, dahil ito umano ay susupil sa ilegal na droga sa mga barangay.