Sobrang Nakabibilib! Proud na Anak ng Biyudang Labandera, Nagtapos bilang Cum Laude sa Isabela

Larawan mula sa Facebook account ni Francis Sinaban

Wala na sigurong tatamis pa sa pagkamit ng tagumpay kapag talagang ito’y iyong pinaghirapan.

Tulad ng palulit-ulit na linyang “hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang pangarap”, hindi ito nakasasawang pakinggan sa naging buhay ni Francis Sinaban.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, maagang namulat sa realidad ng kahirapan ng buhay si Francis.

Sa halagang P2 kahit nagkandasugat-sugat ang kaniyang mga kamay dahil siya’y naging tagahugas ng bote noong siya’y 12-anyos, hindi niya ito alintana upang  may maipantustos sa pagkain araw-araw.

Naghuhugas ako noon ng 24 pieces na bote para sa halagang P2. Nagkakasugat-sugat na kamay ko pero tiniis ko para may pera kami,” ayon kay Francis.

Napilitan ring huminto sa pag-aaral si Francis upang alagaan ang kaniyang amang si Frank nang ito’y na-stroke.

Noong 2009, pumanaw ang kanyang ama kaya naman naiwan kay Nida, na kanyang ina, ang lahat ng responsibilidad sa pagpapalaki ng anak.

 Kumikita ang ina ng P200 hanggang P300 sa paglalabada.

 Hinikayat ng ina si Francis upang bumalik sa pag-aaral dahil ayaw niyang maglaho ang pangarap ng anak.

Sabi ko sa kaniya ‘anak mag-aral ka na,’ sabi niya sa akin ‘ayoko mamaya masyado na akong matanda’ pero sabi ko wala sa edad ‘yun kung gusto mo mag-aral, ayokong ang trabaho mo ay karpintero o nasa bukid lang,” ani Nida.

Dumanas ng matinding pangungutya si Francis, ngunit pinilit niyang mag-aral ng high school sa edad na 17. Hindi ito napanghinaan ng loob.  Hindi siya nagpatinag at nagtapos pa siya bilang honor student.

Marami akong naririnig na ang tanda ko na daw bakit high school pa lang ako,” ani Francis.

Nagsilbi bilang service crew si Francis sa isang fast food chain upang may maipangtustos sa kolehiyo. Kayod-marino naman sa paghahanap-buhay si Nida at nag-alaga ng baboy.

Nitong Abril 7, napawi ang lahat ng hirap at sakripisyo ng butihing ina nang magtapos si Francis bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa isang pribadong unibersidad sa Santiago City.

Hindi pa huli sa marathon. Hangga’t may pangarap ka habulin mo lang. Mas malayo ‘yan kapag nakatayo ka lang at walang ginagawa. Pag hinahabol mo, mas malapit ka sa finish line,” saad ni Francis.

O ‘di ba’t kahanga-hanga ang kanyang pananaw sa buhay?

Source :

Facebook, ABS CBN