Stalker ng panganay na anak ni Barack Obama, inaresto matapos mag-propose ng kasal sa dalaga

Image from Actitudfem Image from Actitudfem

Dahil sa pangha-harass at pagyayaya ng kasal kay Malia, panganay na anak ng dating U.S. president Barack Obama, sa kulungan bumagsak ang isang 30-anyos na stalker na si Jair Nilton Cardoso.

Ayon sa Mirror, matagal nang stalker ni Malia si Cardoso – kahit noong presidente pa si Barack Obama. Nagtangka na ito noon na pumasok sa White House upang makita ang dalaga.

Kamakailan lang, sinundan ni Cardoso ang disiotso-anyos na si Malia sa loob ng isang gusali sa New York kung saan nagtatrabaho ang dalaga bilang intern at nag-propose ito ng kasal habang nagpapatugtog ng malakas na musika. Mabilis naman umanong inilabas sa building si Cardoso ng dalawang secret service bodyguards ni Malia.

Makalipas lang ang dalawang araw ay muli na namang ini-stalk ni Cardoso ang dalaga sa isa pang opisina kung saan isa rin siyang intern. Minabuti umano ng bodyguards ni Malia na kausapin ang lalaki at dito nila napagtantong may sakit ito sa pag-iisip kaya dinala nila ito sa ospital upang masuri.

Inireport din nila si Cardoso sa New York Police Department, na nag-iisip kung kakasuhan ang stalker.