Sueno nakatakda sanang mamagitan sa diyalogo nina Pangulong Duterte at ng CBCP

Image from Community Newswatch PH Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nakatakda sanang mamagitan sa pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at mga obispo si dating Interior Secretary Ismael Sueno, ito ang inamin ng sinibak na kalihim sa kaniyang huling talumpati sa departamento nitong Huwebes, ika-6 ng Abril.

Ayon kay Sueno, lumapit sa kanila ni NEDA Director General Ernesto Pernia ang ilang obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang makipag-diyalogo kay Duterte.

“Last week I met with about 7 or 8 archbishops… I asked, ‘Kung pwede let’s talk to him, have a dialogue with him,'” pagbubunyag ni Sueno.

Napag-alamang naganap ang pag-uusap ng mga obispo at nina Sueno at Pernia sa gusali ng CBCP sa Maynila noong ika-31 ng Marso, ilang araw bago sinibak sa puwesto ang kalihim ng DILG.

“I told them ‘Tayong mga Katoliko, tayong mga Christians masama itong nangyayari na we wash our (dirty) linen in public, na tayo nag-a-accuse sa isa’t isa kung ano ginagawa,” kuwento ni Sueno.

Inamin din ng dating opisyal na nasasaktan siya tuwing binabatikos ni Pangulong Duterte ang Simbahang Katolika, lalo na ang Santo Papa.

“Ako, I get hurt kung inaatake ng Presidente ang Simbahang Katoliko, mga obispo, lalo na ‘yung sa Santo Papa. Anong kinalaman niya dito? I was really hurt,” pag-amin nito.

Ganunpaman, umaasa umano siya na sana ay maging ‘wake-up call’ para sa Simbahan ang mga batikos ni Duterte, at kailangang tanggapin ang pagiging determinado ng Pangulo na sugpuin ang kriminalidad at ilegal na droga.

Sa kabila ng kaniyang pagkakatanggal, wala rin umano siyang sama ng loob sa Pangulo na isang taga-Mindanao na katulad niya, dahil matagal na nilang hangad ang magkaroon ng presidente mula sa kanilang rehiyon.

Si Sueno ay tinanggal nit Duterte noong Lunes dahil umano sa alegasyon ng kurapsyon sa ahensiya.