Sundalong Tausug, Dinukot ng mga Abu Sayyaf sa Sulu – Militar

Imahe mula sa DWIZ Facebook PageImahe mula sa DWIZ Facebook Page

Isang sundalong Tausug ang dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu nitong Abril 20, ayon sa militar.

Ang sundalo ay kinilalang si Staff Sergeant Anni Siraji ng 32nd Infantry Batallion, ayon sa Western Mindanao Command.

Si Siraji, isang MNLF integree, ay tumutulong sa  peace and development efforts ng pamahalaan sa  Sulu.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, si Siraji ay patungong Barangay Igasan sa Patikul nang dukutin ito ng pinaniniwalaang miyembro ng mga ASG dakong 9:30 ng umaga.

Agad namang ipinakalat ang mga sundalo upang mahanap si Siraji kasabay ang paglalagay ng checkpoints sa mga lugar sa posibleng pagdalhan sa sundalo.

Ayon kay Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, hindi magiging dahilan ang naganap na pagdukot upang itigil ang opensiba laban sa mga bandidong grupo sa Sulu.

The recent abduction incident involving our soldier should not be a reason for us to back out but should further motivate us to continue our relentless and sustained focus military operations against the ASG and the rescue of all kidnap victims,” ayon kay Sobejana.

[Ang pagdukot sa aming sundalo ay hindi magiging dahilan upang kami’y  umatras bagkus ipagpapatuloy   pa namin ang opensiba laban sa ASG upang mailigtas ang lahat ng nadukot na biktima.]

Ang Patikul ay kilalang hawak ng mga ASG na responsable sa ilang mga pagdukot at pagpugot ng ulo ng mga bihag.