Supporters ni BBM, nag-ambagan umano para sa P36-M na pambayad sa recount

Image from Bongbong Marcos Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nilinaw ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na malaking bahagi ng kaniyang ibinayad na P36-M para sa inihaing poll protest laban kay Vice President Leni Robredo ay nagmula sa kaniyang mga taga-suporta.

Nitong Lunes, nagtungo sa Korte Suprema, na siyang tumatayo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), si Marcos at mga supporters nito para ilagaka ng tseke na nagkakahalaga ng P36-M bilang paunang bayad na hinihingi sa kanila.

Matatandaang humingi ng kabuuang P81-M ang PET mula sa kampo nina Robredo at Marcos bilang bayad sa gagastusin sa proseso ng recount para sa mahigit 163,000 na presinto sa bansa kung saan sinasabing nangyari umano ang dayaan,

Nagsumite rin ang kampo ni Marcos ng ‘open letter’ mula umano sa kaniyang mga taga-suporta kung saan kasama ng listahan ng 40 katao na nagpatak-patak daw para malikom ang pera.

Ilan sa mga pangalang nasa listahan ay sina Fernando Peña, Agnes Padua, Racquel Armenta, Valentin Prieto Jr., Oscar Violago, Alfredo Roa, Ruby Diaz Roa, Danny Cua, Perla Bautista Vargaz, Ramon Cruz, Jethro Dionisio at marami pang iba.

Ayon sa panayam ng GMA News kay Marcos, sinabi nitong inipon ng kaniyang mga supporters ang anuman na nakayanan nilang ibigay at sumulat ang mga ito ng ‘open letter’sa PET para masimulan na ang proseso ng recount nang sa gayon ay matingnan at “ maihusga kung ano ba talaga ang naging pangyayari”.

“Buti na lang may mga kaibigan akong nagmagandang-loob. Sila ay naniniwala na tama at makatarungan ang aking protesta, kaya naman sila’y nagkaisa,” ani Marcos.

“Ang nanguna diyan, siyempre ‘yung mga kaibigan ko, ‘yung mga close sa akin, at sila ang umikot para kumuha ng suporta, ng tulong. Nangolekta, nagtoka-toka para mabuo ‘yung P36-M,” paliwanag pa nito.