Suspetsa ng mga residente, man-made ang lindol sa Batangas

Image from Mucipality of Taal

May kutob ang mga residente ng Mabini  sa Batangas na ang naganap na malalakas na lindol sa probinsiya ay gawa ng tao o “man-made’ at hindi ng kalikasan.

Sa ulat ng Hataw Tabloid, ayon raw sa mga residente ay tinatayang nasa 100 taon nang hindi nakararanas ng lindol ang kanilang probinsiya kaya nagulat sila na dalawang magkasunod na lindol ang nagpayanig sa kanila sa pagitan lang ng limang araw kamakailan lang.

Hinala nila, ang ginawang paghuhukay ng pinagsanib na kumpanyang Basic Energy Corp. at Phinma Energy Corp. sa itatayong geothermal plant doon ang maaaring dahilan ng naganap na mga pagyanig sa probinsiya.

Pinabulaanan naman ito ni Philippine Institute Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) chief Renato Solidum na nagsabing isang matagal na at hindi pa napapangalanang fault ang pinagmulan ng magkasunod na lindol nito lang nakaraang linggo.

Ayon sa PHIVOLCS chief, ang mga man-made activities ay hindi nagiging sanhi ng paggalaw ng isang fault.