Tawag ng Tanghalan Champion Noven Belleza, Itinampok ang Kuwento ng Buhay sa MMK

imahe mula sa Bandera

Itinampok ang masalimuot na buhay ng unang kampeyon ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime na si Noven Belleza sa Maalaala Mo Kaya noong Sabado ng gabi, Abril 22, 2017.

Gumanap bilang Noven ang actor na si Khalil Ramos habang ang gumanap na tatay niya na nagturo sa kanya kung paano kumanta ay si Nyoy Volante. Si Meryll Soriano naman ang gumanap bilang kanyang ina.

Lumaki si Noven sa isang mahirap ngunit masipag na pamilya na pagsasaka ang pangunahing pamumuhay mula sa Negros Occidental. Namana ni Noven ang kanyang husay sa pag-awit sa kanyang ama na lumalahok din sa mga patimpalak sa kantahan.  Simula paslit pa lamang ay kinatutuwaan na si Noven dahil sa kanyang husay sa pag-awit.

Dumating sa puntong hiniling niya sa kanyang amang turuan siya ng iba’t ibang teknik sa pagkanta upang makasali rin siya sa mga paligsahan. Hindi lahat ng patimpalak na sinalihan ni Noven ay kanyang naipapanalo; sa katunayan, mas marami pa rin ang mga pagkakataong umuuwi siyang talunan. Dahil sa sunod-sunod na mga pagkatalo, bumaba ang pagtitiwala sa sarili ni Noven.

Tinangka ring sumali ni Noven sa Pilipinas Got Talent at The Voice subalit naging mailap ang kapalaran niya rito sa screening pa lamang.

Hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Noven. Sinubok niyang mag-audition sa Tawag ng Tanghalan, subalit sinabi lamang sa kanya na tatawagan na lamang siya. Inakala niyang hindi na siya tanggap dahil nangyari na rin ito sa kanya sa mga audition na pinagdaanan niya. Makalipas ang ilang araw, tinawagan siya ng isa sa mga staff ng It’s Showtime at kinumpirma sa kanyang nakapasa siya sa audition, and the rest is history ‘ika nga.

Hiningian naman ng reaksyon si Khalil Ramos hinggil sa kanyang naging pagganap sa buhay ni Noven.

“Si Noven actually sumali din siya sa ‘PGT’ (Pilipinas Got Talent), which is the contest that I was from. Sobrang relatable. I get where he is coming from, na lahat ng tao may pangarap sa buhay na gustong abutin. Like Noven, like me when I was in the contest, it was all about the passion. That’s what’s similar between Noven and I,”ani Ramos.

“He came from a very simple life back in Bacolod. It was challenging for me to fill in his shoes kasi grabe ‘yung respect ko for the agricultural workers in the Philippines. Their work is so hard. Nabibilad sila sa init araw-araw. Just like Noven, may mga pangarap din silang gusto nilang abutin. I am so inspired by his story,”dagdag pa ni Ramos.

Tumatak sa lahat ang paghataw ni Noven na mala-Air Supply. Sa grand finals, nakakuha siya ng text votes na 99%, patunay sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga manonood.

Isa si Noven sa mga nagpapatunay na hindi hadlang ang mga kabiguan sa buhay upang makamit ang pagtatagumpay.