Teleseryeng “Ang Probinsyano” Patuloy na Mamamayagpag sa Primetime Hanggang 2018

imahe mula sa Instagram account ni Eric John Salutimahe mula sa Instagram account ni Eric John Salut

Patuloy na maghahari sa primetime ang teleseryeng “Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Primetime King Coco Martin hanggang 2018; batay sa kumpirmasyon ng ABS CBN Kapamilya Network Management.

Dahil sa patuloy na pagsuporta at pagtangkilik ng mga manonood,  tiyak na ikatutuwa ng mga tagahanga ni “Cardo Dalisay” ang tungkol sa pag-eextend ng show na napabalitang magtatapos na ngayong Mayo 26, 2017 at papalitan ng La Luna Sangre na pagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Ang extension ng teleserye ay pormal na inihayag ni ABS CBN Chief Operating Officer of Broadcast Cory sa isang party para sa cast ng Ang Probinsyano. Naroon din sa naturang party ang presidente at CEO ng Kapamilya Network na si Carlo Katigbak.

Ang teleseryeng ito ay hango sa isa sa mga pelikula ni Da King Fernando Poe, Jr. noong taong 1997. Kabilang sa cast ng teleserye ang biyuda nitong si Susan Roces na gumaganap bilang lola ni Coco sa palabas.

Batay sa TV ratings na naitala ng Kantar Media, patuloy na tumataas ang ratings ng Ang Probinsyano na nagsimulang umere noong Setyembre 2015 sa primetime. Bukod dito, ang naturang teleserye ang isa sa mga nangungunang palabas na pinapanood ng mga tao sa buong araw kapag pinagsama-sama na ang tv ratings ng Kapamilya, Kapuso at Kapatid Network na hindi bumababa sa 40%.

Umiikot ang kuwento nito sa kambal na sina Ador at Cardo na parehong ginampanan ni Coco Martin. Matapos mamatay ni Ador dahil sa kanyang tungkulin bilang pulis, pinakiusapan si Cardo na magpanggap bilang Ador. Nang mabuko ang katotohanan sa pagpapanggap bilang Ador, ipinagpatuloy ni Cardo ang nasimulan ng kanyang kakambal hanggang sa mailagay siya sa pedestal bilang pinakamahusay na pulis. Nabaling ang galit sa kanya ng karibal ng kanyang kambal na si Joaquin (Arjo Atayde) na anak ng isang drug lord na ginampanan naman ni Albert Martinez. Nakulong si Cardo dahil sa frame-up na pinlano ni Joaquin subalit tumakas upang patunayang wala siyang kasalanan sa ibinibintang sa kanya, at muling pinaghanap ng batas. Patuloy na kinapananabikan ng mga manonood ang kahahantungan ng buhay ni Cardo at ng iba pang mga tauhan sa teleserye kaya’t nararapat itong abangan gabi-gabi.