Trillanes, inakusahan ni Duterte na nagnakaw ng tinidor at baso noong ‘The Peninsula Siege’

Image from IBTImage from IBT

MAYNILA, Pilipinas – Kahit nasa ibang bansa, muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pangunahing kritiko sa Mataas na Kapulungan na si Senador Antonio Trillanes IV.

Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng Lusail Sports Arena sa Doha, Qatar nitong Sabado, inakusahan ni Pangulong Duterte na nagnakaw umano ng mga gamit ng hotel si Trillanes noong kasagsagan ng The Peninsula Seige noong taong 2007.

Bukod dito, ininom pa umano ng grupo nina Trillanes ang lahat ng inumin bago ito sumuko.

“Iyon ‘yung g****** nagwara-wara diyan sa Makati kasi mag-revolt daw sila. Tapos sinira ‘yung Peninsula. Ninakaw lahat ng tinidor, baso, lahat ng inom, inumin, bago nag-surrender sa police,” ani Duterte sa ulat ng ABS-CBN News.

Subalit kaagad naman itong itinanggi ni Trillanes sa isang text message na kaniyang ipinadala sa mga mamamahayag.

“First of all, every one knows that it’s not true so I’ll just let him make a fool of himself. But here’s the thing, I accused him of stealing billions of pesos and the most that he could accuse me of is that I stole utensils. So I guess, I won that one,” paliwanag ng mga mambabatas.

Ang ‘The Peninsula Siege’ ay naganap noong Nobyembre 2007 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang grupo na pinangugunahan nina Trillanes at Brigadier General Danilo Lim, kasama ng humigit-kumulang na 25 sundalo ng Magdalo, ay kinubkob ang The Manila Peninsula hotel sa lungsod ng Makati bilang protesta sa isinasagawang paglilitis laban sa kanila dahil naman sa pagkakasangkot sa Oakwood Mutiny noong 2003.

Panoorin ang mga dating report ng pangyayari: