Triplets nanguna sa klase, nagtapos sa junior high school bilang number 1, 2 at 3

Image from Her Campus

Nasungkit ng triplets na babae ang tatlong pinakamatataas na karangalan nang magtapos sila sa junior high school bilang number 1, 2 at 3 sa Naguillian, Isabela.

Kinilala ng Bombo Radyo ang triplets na sina Maria Diana Florence, Maria Diana Therese at Maria Diana Joyce Pascua, 16-anyos at isinilang sa pamamagitan ng caesarean section  na may tig-iisang minuto lang ang pagitan.

Numero uno sa klase ang gitna sa triplets na si Therese, number two naman ang panganay na si Florence at si Joyce ang ikatlo sa kanilang klase.

Bukod sa pagiging numero uno sa klase, nakuha rin ni Therese ang karangalan bilang Best in English, Science, Araling Panlipunan, Essayist of the Year at Leadership Award.

Si Florence naman ay Best in Filipino at Journalist of the Year, samantalang si Joyce ay Best in Edukasyong Pantahanan, Journalist of the Year. Kampeon din ang bunso sa slogan-making.

Tulad ng kanilang amang si Judge Rodrigo Pascua Jr., nais rin ng triplets na kumuha ng abogasya pagkatapos nila ng senior high school.

Mag-focus sa pag-aaral, alamin ang prayoridad, limitasyon at dapat may lubos na pananalig sa Poong Maykapal ang payo ng triplets sa kapwa nila kabataan.

 

Source :

Bombo Radyo