Vice mayor, 6 katao pa sugatan sa pagsabog ng granada sa Maguindanao

Image from News 5Image from News 5

MAYNILA, Pilipinas – Sugatan ang 7 katao kasama ang isang Vice Mayor sa pinasabog na granada sa bayan ng Talayan sa Maguindanao nitong Biyernes.

Nasugatan sa nasabing pag-atake si Datu Angal Midtimbang Vice Mayor Nathaniel Midtimbang at ang dating alkalde ng Talayan na si Datu Ali Midtimbang.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na isang granada ang inihagis sa sasakyan ng mga biktima bandang ala-1 nang hapon sa may Barangay Poblacion.

Pauwi na umano ang grupo nina Midtimbang mula sa Golden Mosque para sa kanilang nakagawiang pagdarasal nang maganap ang pag-atake.

Sugatan din sa pagsabog ang isang nagngangalang Kasim, Marcos, Macalanga, Datu Anong Mupak, Sandi Aron, at Manap Balumol.

Nakuha pang habulin at makipagbarilan ng mga rumespondeng pulis sa umatakeng grupo na nakasakay din sa isang sasakyan.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente upang matukoy kung sino ang nasa likod ng naturang pag-atake habang isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang biktima para marapatan ng lunas.