[Video] 2-anyos na Batang Lalaki, 8 Buwan na Sanggol, Himalang Nakaligtas sa Nahulog na Bus sa Nueva Ecija

Image capture of video by ABS-CBN News via You Tube account

Himala na maituturing ang pagiging ligtas ng dalawang magkapatid — isang dalawang taong gulang na batang lalaki at isang walong buwan na sanggol — mula sa nahulog na bus sa Carranglan, Nueva Ecija.

Nailigtas ang magkapatid ng kanilang ina at tiya na kabilang sa mga nasawi sa aksidente.

Ani Jessie Llamas, niyakap ng kanyang kapatid na babae ang batang lalaki, habang niyakap ng kanyang ina ang sanggol.

Sa Provincial Hospital ng Nueva Vizcaya at Christian Jay Funeral Homes dinala halos lahat ng mga labi.

Inabot ng hapon bago makilala ng mga kamag-anak ang lahat ng mga labi sa Bambang, Nueva Vizcaya, nitong Martes.

Bukod pa rito, marami rin sa mga biktima ang sugatan at nasa ospital, ayon sa ulat ng TV Patrol.

Samantala, halik, yakap at haplos sa ulo ang paraan ng pagsalubong ng mga kamag-anak sa mga labi ng mga nasawing pasahero ng nahulog na bus noong Lunes.

Hindi akalain ni Ric Martin, isa sa mga kamag-anak ng biktima, na sa punenarya na niya madadatnan ang kapatid at pamangkin. Aniya, wala namang magagawa dahil wala namang may gusto sa pangyayari.

Hindi naman alam ni ‘Fella’, asawa ng namatay na konduktor ng bus, kung paano magsisimula lalo na’t may apat pa siyang maliliit na anak.

Pilit namang nagpapakatatag ni Florencio, isang senior citizen, habang pinagmamasdan ang asawa niya na nasa morge.

Ang ilan na wala namang salapi ay nakiusap na lamang sa punerarya na i-embalsamo na lamang ang mga labi.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Passengers Accident Management and Insurance (PAMI), inaasikaso na nila ang paglalagay ng help desk sa Regions 1, 2 at 3.

Anila, kailangan lamang na may identification card, birth certificate para sa mga single na kamag-anak na namatay at marriage certificate naman para sa mga kasal na.

Ani Atty. Aileen Lizada, ang coverage ng death ay P200,000, at mauuna ring maibibigay ang P100,000 bilang paunang coverage.

Inaasahan naman na ngayong linggo ay maitatayo na ang help desk para sa mga biktima.

Ayon sa nakausap ng TV Patrol, ang LTFRB at PAMI ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya. Kailangan lamang na makipag-tulungan ang mga kamag-anak at ibigay ang kanilang home address, contact number at maging ang ospital at punerarya kung saan dinala ang mga labi.

Ayon naman sa liaison officer ng bus, nakikipag-ugnayan na sila sa mga kamag-anak at pinuntahan na rin nila ang mga police station sa Nueva Ecija at Nueva Vizcaya para alamin ang listahan ng mga biktima.

Sa kasalukuyan, hirap umano ang mga kamag-anak ng mga sugatan at nasawi sa kanilang sitwasyon. Hiling nila sa LTFRB, PAMI at lalo na sa pamunuan ng bus na ang mga ito na ang magpunta sa kanila.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito:

Source :

ABS-CBN, You Tube