[Video] 2 Mandurukot sa Bus, Arestado sa Tulong ng ‘Smart’ Bus Driver

Larawan mula sa video ng GMA via You Tube

Presence of mind. Ganito ang ipinakita ng driver na nagmalasakit sa isang pasahero niyang nadukutan ng cellphone sa loob ng bus.

Arestado ang dalawang lalaki sa loob ng bus matapos dukutan ang isang pasahero sa loob ng isang pampublikong bus nitong Abril 21.

Ayon sa ulat ng GMA, ang mga suspek ay pinangalanang sina Ronel Cudio at Joshua Cordero, na todo tanggi naman sa mga paratang laban sa kanila.

Nagreklamo umano ang pasaherong si  Herald Montejo  sa drayber ng bus na biyaheng Novaliches na si Alexis Taclob dahil sa biglaang pagkawala ng kaniyang cellphone nang ipitin siya ng dalawang lalaki, ayon kay Montejo.

Dito na sinabihan ng driver si Montejo na huwag munang bumaba dahil nasa loob lamang ng bus ang mandurukot at ang kaniyang cellphone.

Itinigil ni Taclob ang bus nang may nakita itong police mobile at ipinagbigay-alam ang nangyaring pagdukot sa cellphone ni Montejo.

Dito na  isa-isang pinababa ng mga awtoridad ang mga pasahero ng bus upang matukoy ni Montejo ang mga gumigitgit sa kaniya at doo’y nakita niya ang kaniyang cellphone.

Dito na positibong kinilala ng driver at biktima ang mga suspek.

Pero paliwanag ni Cudio, napulot lang niya ang nalaglag na cellphone ng biktima.

Nalaglag lang po dun ‘yun sir eh,  ‘yung cellphone, ‘kala ko po kasi bababa na siya, ” paliwanag ni Cudio.

Itinanggi naman ni Cordero na magkakilala sila ni Cudio.

Dinala sina Cudio at Cordero sa himpilan ng pulisya upang  sampahan ng kaukulang  kaso.

Panoorin ang video na ito ng GMA:

 

Source :

You Tube, GMA