[Video] Alagang Kambing, Binansagan na Bayani Dahil Iniligtas ang Isang Pamilya Mula sa Sunog

Image capture of video by News Today 24 via You Tube accountImage capture of video by News Today 24 via You Tube account

(Weiner, Arkansas) Isang alagang kambing ang binansagan na bayani matapos nitong mailigtas ang isang pamilya mula sa sunog.

Si Abigail Bruce ay natutulog sa kanyang silid nang bigla na lang siyang sinampahan ni ‘Speedy’, ang alaga niyang kambing, at nagtatalon sa kanyang binti at dibdib.

Nakita ni Abigail ang usok sa kanilang bahay. Agad siyang tumakbo sa silid ng kanyang mga magulang at hindi na umano siya makahinga sa kapal ng usok.

Sa umpisa, inakala ni Nick Bruce, ama ni Abigail, na sa labas nagmumula ang usok ngunit napansin niya na sa garahe na pala nila ang nasusunog kung kaya’t nagmadali silang lumabas ng kanilang bahay.

Sa umpisa ay hindi sang-ayon si Nick sa pag-aalaga ng kambing na natanggap ni Abigail sa kanyang ika-10 kaarawan, ayon sa ulat ng News 5 Cleveland.

Matapos ang isang trahedya na muntik na nilang ikamatay ay nagpasalamat si Nick sa pagdating ni Speedy sa kanilang buhay, ayon sa ulat ng PANG-MASA.

Samantala, napinsala nang husto ang bahay ng pamilya Bruce; ilang minuto bago dumating ang mga bumbero ng Weiner, Arkansas fire department.

Electrical problem ang pinaniniwalaang naging sanhi ng sunog.

Sa kasalukuyan, ang pamilya Bruce ay nakatira sa tahanan ng isang kaibigan ng kanilang pamilya, habang hinabilin nila si Speedy sa pangangalaga ng isa pa nilang kaibigan.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito: