[Video] Bagong Graduate na Estudyante Patay sa Hit and Run, Pamilya ng Biktima Humihingi ng Hustisya

Imahe mula sa Facebook account ni Rosalyn Payawal

Humihingi ng hustisya ang pamilya ng isang bagong graduate na babae na nasawi matapos ma-hit and run ng isang closed van sa Lalaang Silang, Cavite nitong Abril 25.

Ang biktima ay kinilalang si Jogie B. Hermoso, bagong tapos lamang nitong Marso 2017 sa University of Manila (UM) na may kursong Bachelor of Science in Education Major in Computer Education.

Sa Facebook account ni Rosalyn Payawal, tita ng biktima, ibinahagi nito ang video ng isang puting Toyota Corolla closed van. Mapapanood sa video footage na bumaba ang driver ng van na nakapulang damit at nakamaong  na pantalon upang punasan lamang ang dugo at silipin ang bumper ng kaniyang sasakyan. Doon na humarurot ang sasakyan paalis.

Ayon kay Payawal, pabalik umano sila ng Maynila dakong 8:20 ng gabi ng Abril 25 nang maganap ang naturang insidente. Masama ang loob nito sa driver ng van dahil sa halip na sila’y tulungan, sila’y tinakasan pa.

Dagdag pa ni Payawal, si Jogie ay isang uliran at mapagmahal na anak. Nananawagan  ang pamilya ng biktima sa agarang hustisya.

Kasalukuyan pa ring pinaghahahanap ang salarin.

Ang labi ng biktima ay nakahimlay sa 143 Gumamela St. Tondo Manila hanggang ika-3 ng Mayo. Ang libing ay sa Mayo 4, sa ganap na 12:00  ng tanghali  sa Manila Green Park sa North Cemetery.

Sa mga makapagbibigay ng anumang impormasyon hinggil sa insidente ay ipagbigay-alam sa mga awtoridad at tumawag sa numerong: 0929 4416663.