[Video] Hindi Masikmurang Iligal na Gawain, EJK; Catanduanes-Police Nagbitiw sa Serbisyo

Imahe mula sa video ng GMA via You TubeImahe mula sa video ng GMA via You Tube

Nagbitiw ang isang pulis sa Catanduanes dahil hindi na raw nito maatim ang sistema ng pulisya. Pagbubunyag pa niya, totoo raw ang pagtatanim ng mga ebidensiya at extra judicial killings sa kanilang lugar.

Ayon sa ulat ng GMA, nakasaad sa resignation letter ni PO1 Vincent Tacorda: “I have tried my best to deliver what is expected from a police officer. It is just sad and with great dismay that the same organization did not do me the justice I expect to be accorded in return of my zeal and fervor for public service.”

Ayon pa kay Tacorda, ang matinding “pressure” ang isa sa mga dahilan upang magbitiw siya sa tungkulin.

Magkaiba raw ang mga itinuro sa kanila sa pagsasanay at sa aktwal na duty. Bago pa man naupo si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi na raw umano masikmura ni Tacorda ang sistema sa Catanduanes- PNP.

Salaysay pa ni Tacorda na inatasan siya ng kaniyang superior  sa isang pamamaril.

May ebidensya ako niyan. Inoorderan nila ako mag-conduct ng pamamaril nga, kasi nakikiusap sila kung pwede daw kasi mare-relieve sila dahil lahat na may accomplishment na, Catanduanes na lang ang walang nasasampolan,” ani Tacorda.

Kaya nakiusap sila sa akin kung pwede ako mag-sample. Dahil siya ang COP (Chief of Police) ko noon, ma’am, kaya sumunod ako,” dagdag pa nito.

Inatasan pa raw  ni Catanduanes Police chief Jesus Martirez si Tacorda na huwag ideklara ang malaking halagang nasabat na pera at iligal na droga  kapag sobrang laki. Gagamitin daw ang hindi idineklarang pera bilang pondo sa kanilang mga susunod na operasyon.

Isiniwalat din ni Tacorda na totoo ang pagtatanim ng ebidensiya sa mga police operations. Masama raw ang kaniyang loob sa paglipat sa kaniya sa Albay sa kabila ng magandang record.

Wala pang tugon si Martirez ukol dito.

Para naman kay P/Sr. Insp. Malu Calubaquib, mali ang paggamit ni Tacorda ng media, dapat daw ay patunayan muna nito ang kaniyang mga akusasyon.

Ayon naman kay Catanduanes Police Provincial Office director Jeffrey Fernandez, hindi raw nila alam ang tinutukoy na iligal na aktibidad ni Tacorda at kung meron man ay idaan dapat sa tamang proseso. Handa rin silang sagutin si Tacorda kung may maipakikitang ebidensiya

“Ipaabot niya sa proper forum ang ebidensya niya,” ani Fernandez.

Ipinoproseso pa sa Regional Office 5 at Camp Crame ang resignation ni Tacorda kaya siya’y kinukunsidera pa ring aktibong pulis.

Panoorin ang video na ito mula sa video ng GMA:

 

Source :

You Tube, GMA