Xiam Lim, Best Supporting Actor ng 15th Gawad Tanglaw

imahe mula sa Instagramimahe mula sa Instagram

Itinanghal bilang Best Supporting Actor si Xian Lim sa 15th Gawad Tanglaw kagabi ng Abril 25, 2017 sa kanyang pagganap bilang anak ni Vilma Santos at katambal ni Angel Locsin sa pelikulang Everything About Her na ipinalabas noong 2016 sa ilalim ng Star Cinema.

Tuwang-tuwa ang aktor dahil sa pagkilalang natanggap niya na hanggang matapos ang event ay hindi pa nagsi-sink in sa kanya.

“All the hard work, nakakagaan lang talaga ng loob na nandito ako at nakasama ako. Natuwa nga ako kasi katabi ko si Ma’am Charo (Santos-Concio) tapos nasa likod ko si John Lloyd (Cruz). Sabi ko ang galing naman nitong experience na ito. It’s something to remember for a lifetime,” pahayag ni Lim sa kanyang panayam sa ABS CBN.

Ang parangal na ito ay pagpapatunay ng aktor sa kanyang mga kritiko na malaki na ang kanyang pag-unlad sa pag-arte, batay na rin sa kanyang mga karanasan at masinsing paggabay ng kanyang mga naging direktor. Aniya, nagbigay-inspirasyon ito sa kanya upang patuloy pang gumawa ng mga makabuluhang pelikula at sundan ang yapak ng kanyang mga idolong kasamahan sa industriya.

“If there’s one thing I learned dito sa pelikula, sabi nga ni Ate Vi (Vilma Santos), years and years in the business, hanggang ngayon hindi pa rin daw niya alam ang ginagawa niya, nakakapit pa rin daw siya sa direktor. It’s just sana marami pa akong makatrabaho, mabigyan ng mas marami pang proyekto. ‘Yun lang naman, to be able to express myself creatively,” paliwanag ni Lim.

“I’m overwhelmed. Hindi ko inexpect na nung ginagawa namin yung pelikula, sobra akong kabado, ang dami kong iniisip, pero ngayon, ano, napansin pa.”

Nang tinanong kung sino-sino sa mga Kapamilya actress ang nais niyang makatambal sa pelikula, sinambit niya ang mga pangalan nina Anne Curtis, Sarah Geronimo, Bea Alonzo, at Arci Munoz.

Mapapanood si Xian Lim sa teleseryeng A Love to Last na pinagbibidahan nina Ian Veneracion at Bea Alonzo mula Lunes hanggang Biyernes ng gabi sa Primetime Bida ng Kapamilya Network.