10 bandido patay, 8 pa sugatan umano sa bakbakan sa Sultan Kudarat

Image capture from ABS-CBN videoImage capture from ABS-CBN video

MAYNILA, Pilipinas – Hindi bababa sa 10 bandido ang namatay habang 8 pa ang nasugatan sa naganap na bakbakan sa Sulta Kudarat. Ito ang kinumpirma ng isang opisyal ng militar.

Nangyari ang engkuwentro Huwebes ng umaga habang isisilbi sana ang warrant of arrest laban kay Kumander Dimas alyas Dragon sa Barangay Bual sa bayan ng Isulan ng mga operatiba ng 33rd IB ng Philippine Army.

Sangkot umano ang grupo ni Dimas sa illegal mining, pangingikil at pananakot sa lugar, ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, battalion commander, sa panayam ng Bombo Radyo.

Subalit bago pa man maisilbi ang arrest warrant, pinaputukan na umano sila ng grupo kaya napilitang gumanti ang mga sundalo. Hindi raw bababa sa 50 ang mga bandidong nakasagupa ng tropa ng military.

Nakubkob ng mga sundalo ang kampo ni Dimas matapos ang halos tatlong oras na bakbakan. Isang bandido rin ang nahuli ng militar na iniimbestigahan na ngayon.

Samantala, sugatan naman sa naturang engkuwentro si Pfc. David Desidario matapos itong tamaan sa braso.

Kasalukuyan nang ginagamot sa Sultan Kudarat Hospital ang sugatang sundalo.